Wednesday, September 29, 2010

Yamang Tao

Bonding time with Marius, my 8-year old son, kagabi. Ginagawa niya ang kanyang mga gawaing bahay sa Sibika at Kultura samantalang ako naman ay nakadapa malapit sa kanya at nagbabasa ng mga artikulo ni Leonardo Mercado na "Aesthetics" and "Kagandahan: Beauty vis-a-vis Truth and Good" para sa nakatakda kong report sa klase ko ng "Philosophy of Art" o "Aesthetics" sa darating na Huwebes. Madalas ay ganito kami mag-bonding mag-ina. Sabay na gumagawa ng mga gawaing pang-akademiko. Syempre, may mga panahon din na sa ibang paraan o gawain din kami nagba-bonding. Ngunit sa ngayon, ay magpapatuloy pa ang ganito sa loob ng susunod na dalawang linggo - ang huling dalawang linggo ng kasalukuyang semestre! Mahirap nang magka-grade na INC o DRP. At huwag naman sanang 5!

Nasagot na pala niya ang halos kalahati ng hinihingi sa kanyang homework: "Magbigay ng limang paraan o halimbawa ng pangangalaga ng mga Likas na Yaman - Tubig, Lupa at Tao". Mayroon na siyang limang naisulat para sa Yamang Lupa samantalang dadalawa lamang sa Yamang Tubig at wala pa sa Yamang Tao. Pansamantala ko munang isinantabi ang aking binabasa upang pag-ukulan siya ng panahon at gabayan sa pagmumuni-muni ng ilan pang kaparaanan sa pangangalaga nga ng likas na yaman. Hindi nagtagal at nakompleto rin ang para sa Yamang Tubig. Yamang Tao naman.

Paano nga ba mapapangalagaan o mapapaunlad ang yamang tao? Hindi ko alam kung mahirap lang ba talagang sagutin ng tama ang tanong na ito o may mali mismo sa tanong. Marahil ay hindi ko lamang naintindihan ang tanong. O baka naman ginagawa ko na lamang komplikado ang isang simpleng tanong sa sobrang pag-aanalisa sa tanong? Oo nga pala. Pang grade-level lamang ang tanong na nangagailangan ng sagot sa ganoon ding antas.

Ang lupa at tubig ay mga yamang ginagamit ng tao sa ikabubuti o ikagaganda ng pamumuhay. At marapat ngang ito'y ating pangalagaan. Ang tao, tulad ng lupa at tubig, ay isang likas na yaman ding maituturing. Ngunit kung ihahambing sa unang dalawang likas na yaman, ito ay hindi isang materyal na bagay lamang na matapos gamitin ay maaaring i-recyle, i-reuse o i-reduce ang paggamit. Masinsin itong hinuhubog. Inaaruga mula sa sinapupunan pa lamang. Iminumulat sa mga tamang gawi. Nililinang ang kanyang mga talento. Pinagyayabong ang kakayahan at karunungan. Pinagyayaman.

Ah! Edukasyon! Ang isa sa mga susi sa paglinang!

Ayan, may isa na kaming sagot. Isinulat ni Marius, "1. Mag-aral nang mabuti." Apat pa. Muli kaming nanahimik. Nag-isip. Nagnilay-nilay.

"Number 3 na mommy", pagbasag ni Marius ng katahimikan makalipas ang ilang sandali. Binasa ko ang isinulat niya sa number 2.

"2. Ipaglaban ang karapatan sa edukasyon ng mga Pilipino"

Gusto kong matuwa sa nabasa dahil sa murang edad pa lamang na walong taon ay kakikitaan na siya ng pagpapahalaga sa edukasyon at pakikialam sa mga isyung panlipunan. Batid na nga ba ng kanyang musmos na isipan ang isyung ito? O isa lamang siya sa mga taong sumisigaw ng paglaban ngunit hindi naman alam ang ipinaglalaban? Sa kabilang banda ay natakot ako para sa kanya. Hindi pa panahon para mamulat siya sa ganitong pag-iisip.

"Sa edukasyon din naman umiikot ang sagot sa number 2 tulad ng nasa number 1," pagpapaliwanag ko upang palitan niya ang kanyang sagot. Nais kong ibalik siya sa mga bagay at isipan na sa tingin ko ay mas nararapat sa kanyang edad. Hindi pa niya dapat isipin ang mga ganitong isyu. Hindi pa. Tama si Ma'am Rosal, professor ko sa Humanidades I. Madalas na ang nanay ay pilit na inilalayo ang kanilang anak sa mga isyung panlipunan ng kasalukuyan upang ika nga ay maprotektahan sila. Tulad na lamang sa kwentong "Andoy".

"Mommy, ang number 1 tungkol sa pag-aaral ng maigi. Ang number 2 tungkol sa pakikipaglaban sa karapatan. Kung walang karapatan sa pag-aaral, walang mag-aaral so walang gagraduate. So magkaiba yun."

Napatitig ako sa kanya. Napangiti. Oo. Natuwa nga ako sa narinig ko. Lalo na't nanggaling ito sa labi ng isang grade 2 lamang. Naisip ko noong una na pilit siyang ibalik siya sa kanyang lugar, sa pagiging isang bata lamang at kalimutan muna sa ngayon ang anumang may kinalaman sa mga isyung panlipunan. Ngunit naalala ko, iisa nga lamang pala kami ng pamantasang pinapasukan kung saan mulat ang lahat sa katotohanan at tanggap o tama ang pakikialam.

Nakatutuwa na ang edukasyon sa UP ay hindi lamang umiikot sa apat na sulok ng silid-aralan. Maging sa grade-level pala ay kakikitaan ang mga estudyante ng pagkamulat sa ganitong mga kaisipan.

Oo. Nagagalak akong malaman na pinahahalagahan ng anak ko ang pag-aaral at pakikipaglaban para rito. Ngunit nakalulungkot ding isipin na sa kabila ng magkaibang henerasyon na aming kinabibilangan ay iisa pa rin ang ipinaglalaban. Ano na ang nangyari sa laban na ito noong mga nagdaang taon? Sa kabilang banda, ang pagsigaw sa karapatang ito ay hindi na muling aalingawngaw kung atin na ngang natatamasa ang matagal nang ninanais. Bakit ito pa rin ang sigaw ng bagong henerasyon?

==========================================================
Blogged in my Facebook Notes posted on September 29, 2010 at 2:59PM MNL